Neologismo: Mga bagong salita, pormal o di-pormal, may magandang dulot kaya?

Neologismo: Mga bagong salita, pormal o di-pormal, may magandang dulot kaya?

Ano ang Neologismo?

Batay sa artikulong “Ano ang mga Neologism” na isinulat ni Roldan (2020), ang Neologismo ay isang ekspresyon at mga salita na ginagamit sa panahon ngayon kahit wala noon. Ito ay ginagamit sa pangangailangang mai-angkop ang mga salitang ginagamit sa reyalidad ng lipunan. Ayon pa kay Roldan, ito ay karaniwang proseso sa lahat ng mga wika. Ito ay maaring magsilbi bilang kayaman ng iba’t ibang wika o hindi kaya ay ang kabaligtaran. Ayon sa isang hindi kilalang manunulat ng isang artikulong may pamagat na “Balbal ay Sagabal”, ang mga neologismo o tinatawag din na slang words ay sikat at kadalasang ginagamit hindi lamang ng mga kabataan kundi mga edukado, midya, at kahit ng mga taong may sikat na personalidad. Ngunit bakit nga ba ito ginagamit ng nakararami? Batay sa isang artikulong “Mga Neologismo at ang kanilang papel sa wika” mula sa IK-PTZ (2021), ang ating buhay ay patuloy na nagbabago. Ang iba’t-bang mga ideya ay naglilitawan, at ang wika ay parti nito. Nagagamit ang neologismo dahil kinakailangang mabigyan ng pangalan ang mga bagong ideya na nalilikha.

 

Kaugnayan ng Neologismo sa mga wikang pormal at nakasanayan.

Ang neologismo at wikang pormal na nakasanayang gamitin ay mayroong pagkakahalintulad sa kanilang layunin. Parehas silang ginagamit upang ang bawat isa ay madaling magkaintindihan. Dahil sa mabilis na pagbabago, kaakibat nito ang pag-usbong ng mga bagong terminolohiya. Ang mga termino na gamit sa wikang pormal ay nabibigyan ng mga bagong kahulugan. Dahil sa pagbabagong ito at pagkakaroon ng iba’t ibang salita, maari rin itong implikasyon nang kalituhan sa orihinal na salita o wikang pormal. Halimbawa, ang salitang “trousers” ay maari ring banggitin bilang “pants”, magkaibang salita ngunit may iisang kahulugan (Castro I., 2022).

 

Implikasyon nang paggamit ng Neologismo sa akademikong pag-aaral.

            Ang pag-usbong ng mga Neologismong salita ay maaring may implikasyong maganda sa akademikong pag-aaral o hindi kaya ay ang kabaligtaran, ano nga ba ang implikasyon nito? Ayon sa pananaliksik nila Caron J. D. at Belgica R. (2019) sa epekto ng Neologismo sa mga mag-aaral ng Calamba Integrated School noong akademikong 2018 – 2019, ang paggamit ng neolohismo o neologismo sa pag-aaral ay sinasabing lubos na nakatutulong sa pagtuturo at pagkakaroon ng mga panibagong kaalaman. Ang paggamit ng mga salitang mas makapupukaw ng atensyon at napapanahon ay mas madaling maiintindihan, kaya’t maganda itong solusyon upang mas matuto ang mga mag-aaral. Sa isa pang pag-aaral tungkol sa epekto ng paggamit ng mga salitang balbal sa piling mag-aaral ng baitang labing isa nila Tinio, Quia, at kaniyang mga kasamahan (2018), ang mga bagong salita na nalilikha ay maituturing na parangal dahil sa pagkakaroon ng abilidad na gawing masaya at libangan ang wika. Sa paggamit nito, naipapahayag ng bawat isa ang kanilang nararamdaman nang may kalayaan.

 

Mga halimbawa ng Neologismong salita sa bansang Pilipinas.

            Ang neologismo ay sikat sa kahit anong bansa dahil ang pagbabago tulad ng teknolohiya at siyensa ay patuloy na umuusbong at walang pinipiling lugar. Sa bansang Pilipinas, maaring hindi ito napapansin o alam ng bawat isa, ngunit talamak sa mga pilipino ang paggamit ng mga salitang neologismo. Ang tinatawag na mga salitang Di-Pormal tulad ng balbal, kolokyal, pang-kalye, at pambanyaga ay ilan sa mga halimbawa nito. Isa rin ang Idyolek sa rason kung bakit mayroong iba’t ibang paggamit ng mga salita. Ilan sa mga halimbawa ng mga salitang neologismo sa pilipinas ay “parak” na may kahulugan na pulis, “iskapo” o takas, “erpats” o tatay,at marami pang iba (Senin, 2021). 

 

Konklusyon

Sa mga talakanayang mayroon sa itaas, masasabi na ang neologismo ay maaring may idulot na hindi maganda o hindi kaya ay magsilbing ilaw patungo sa mas mayabong na kaalaman. Makikita sa parting implikasyon ng sulatin, pinapakita nila Caron J. D. at Belgica R. (2019), na kung magagamit nang tama at ituturo kasabay ng pormal na wika ang mga bagong salita mas magkakaroon ng kaalaman ang bawat mag-aaral.



Mga Sanggunian

Balbal ay Sagabal. (2017, September 30). Balbal Ay Sagabal; Retrieved date: March 28, 2022. https://fili2015.wordpress.com/

Caron, J. D., & Belgica, R. (2019). Epekto ng Neolohismo sa Akademikong Pagganap. Ascendens Asia Journal of Multidisciplinary Research Abstracts. Retrieved date: March 30, 2022. https://ojs.aaresearchindex.com/index.php/AAJMRA/article/view/9747

Castro, I. (2022). MGA SALITANG NABAGO NG PAHANON (Lumang Salita… Bagong Salita… Banyuhay ng Pagsasalin) Retrieved date: March 30, 2022. https://www.academia.edu/13116180/MGA_SALITANG_NABAGO_NG_PAHANON_Lumang_Salita_Bagong_Salita_Banyuhay_ng_Pagsasalin_Dr_Imelda_P_De_Castro

Mga neologismo at ang kanilang papel sa wika. (n.d.). Ik-Ptz.ru. Retrieved date: March 30, 2022.  https://ik-ptz.ru/tl/fizika/chto-vy-ponimaete-pod-terminom-neologizmy-neologizmy-i-ih-rol-v.html

Roldan, M. J. (2020, November 6). Ano ang mga neologism. Recursos de Autoayuda. Retrieved date: April 01, 2022. https://www.recursosdeautoayuda.com/tl/mga-neologism/

Senin. (2021, December). Salitang Impormal Halimbawa. Retrieved date: April 01, 2022.  https://desalitang.blogspot.com/2021/12/salitang-impormal-halimbawa.html

Tinio, Ma. J., Quia, L. J., & et al. (2018). PAG-AARAL TUNGKOL SA EPEKTO NG PAGGAMIT NG MGA SALITANG BALBAL SA PILING MAG-AARAL NG 11 ABM. Retrieved date: April 01, 2022. https://www.academia.edu/36190494/PAG_AARAL_TUNGKOL_SA_EPEKTO_NG_PAGGAMIT_NG_MGA_SALITANG_BALBAL_SA_PILING_MAG_AARAL_NG_11_ABM

Comments